MGA ARAL AT KAHANDAAN SA ORAS NG SAKUNANAPAGTANTO NG MGA KAANIB NG LIGA NG MGA BARANGAY SA MASBATE CITY; MAYOR ROWENA R. TUASON NAKIPAGPULONG KINA ORMOC CITY MAYOR EDWARD C. CODILLA AT ALFRED S. ROMUALDEZ NG TACLOBAN CITY

Kinapulutan ng maraming aral ng mga kasapi ng Liga ng mga Barangay ang tatlong araw na Lakbay Aral sa mga lungsod ng Ormoc at Tacloban, dalawang lugar sa Eastern Visayas na labis na sinalanta ng supertyphoon Yolando noong Nobyembre 8, 2013.

Sa pangunguna ni City Liga ng mga Barangay President Socrates M. Tuason ng Barangay Nursery, naging makabuluhan ang nasabing Lakbay Aral na nagmulat sa kaalaman ng mga Punong Barangay para lubos na paghandaan ang anumang mga sakuna, gawa man ng tao o ng kalikasan, sakali mang ito ay mangyari sa kani-kanilang mga lugar.

Kasama rin si Mayor Rowena R. Tuason sa delegasyon ng mga Punong Barangay na naglibot sa ibat-ibang lugar sa Ormoc City at Tacloban City na sinalanta ni Yolanda.

Unang tinungo ng grupo ni Liga Pres. Ates Tuason ang Ormoc City noong Nobyembre 11 at sa pangunguna ni Mayor Rowena, sila ay nakipagpulong kay Mayor Codilla at sa kanilang paglilibot sa lungsod, personal nilang natunghayan ang lawak ng pinsala ng nagdaaang pinakamalakas na bagyo.

Sa kanilang pakikipagtalastasan kay Mayor Codilla, kanilang napag-alaman ang mga ginawang paghahanda ng Ormoc City Government bago pa man manalasa si Yolanda.

Matapos ang pulong ay nagtungo ang delegasyon ng Masbate City sa mga temporary resettlement site at permanent site para sa mga biktima ng bagyo.

Sa mga kaalaman sa paghahanda, nakipagpulong ang Masbate City delegation sa mga kinatawan ng Ormoc City Emergency Medical and Technical Rescue Services at doon ay kanilang namalas ang mga modernong kagamitan sa oras ng mga sakuna.

Nobyembre 12 naman ng naglakbay mula Ormoc City patungong Tacloban City ang delegasyon ng Masbate City at kaagad na nagtungo sa Tacloban City kung saan ay kanilang nakadaupang palad si Mayor Alfred S. Romualdez.

Sa matimtimang pakikinig kay Mayor Romualdez, kanilang nadama ang labis na hirap na dinanas ng mga taga Tacloban City sa mga oras na ang lungsod ay binabayo ng mamalakas na hangin at ang daluyong (storm surge) na kumitil sa maraming buhay na Taclobanon.

Ibinahagi rin ni Mayor Romualdez sa grupo ni Mayor Rowena R. Tuason at Liga ng mga Barangay President Socrates M. Tuason ang mga hakbang na dapat ay kaagad na paglaanan ng oras at paghahanda sa oras ng sakuna.